Tuluy-tuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagpaslang sa station manager at broadcaster ng Prime Broadcasting Network na si Christopher Lozada sa Bislig City.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joel Egco na tinukoy si Bislig City Mayor Librado Navarro na pangunahing suspek sa pagpatay kay Lozada.
Sinabi ni Egco na noon pa sila nakakuha ng pahayag mula mismo kay Lozada kaugnay sa pagbabanta ni Navarro sa kaniyang buhay.
Noon din aniya ay pinag-ingat na nila si Lozada sa mga lakad nito at pumayag itong kumuha ng police escorts subalit nagtaka na lamang sila dahil lumalakad na ring mag-isa ang broadcaster.
“Public ang mga postings niya, nakipagsagutan sa kanya yung Mayor at nai-document naman natin lahat yan, ang mga pagbabanta sa kanya ng kung sino-sino, ang ginawa natin kasi meron tayong power to red flag, to warn, noong araw na napatay siya, noong umaga nun nagpadala tayo ng sulat kay Mayor Navarro base sa ginawang blotter ng biktima, pirmado niya yun, ang problema hindi na nakarating ang sulat, nahuli na kumbaga at nung gabi ngang yun ay napaslang na si Lozada.” Pahayag ni Egco
Sangkot si Mayor?
Samantala, umalma si Bislig City Mayor Librado Navarro sa report na ipinag-utos niya ang pagpatay kay broadcaster Christopher Lozada.
Sinabi ni Navarro na imposibleng ip patay niya si Lozada na itinuturing niyang anak.
Inamin ni Navarro na nakatanggap siya ng maaanghang na komentaryo mula kay Lozada na kinasuhan niya ng libelo noong 2012.
Tiniyak naman ni Navarro na bukas siya sa anumang imbestigasyon para patunayang wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Lozada.
(Balitang Todong Lakas Interview)