Tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagbagsak ng isang eroplano sa Plaridel, Bulacan noong Sabado na ikinasawi ng limang (5) sakay nito at lima pang residente ng lugar.
Sinabi sa DWIZ ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesman Eric Apolonio na partikular na iniimbestigahan ang kondisyon ng panahon at maging ang human error bukod pa sa huling komunikasyon nito sa control tower.
Ire-reconstruct aniya ang nasabing eroplano na ikukumpara sa record ng eroplano para malaman talaga kung ano ang naging dahilan nang pagbagsak nito lalo na’t walang flight data recorder ang mga ganitong klase ng eroplano.
Ang nasabing eroplano batay sa flight plan ay galing sa Plaridel airport papuntang Laoag, Ilocos Norte kung saan ibababa ang tatlong pasahero bago tumulak pa-Ibatan sa Batanes sakay ang piloto at mekaniko para sa isang tinatawag na check ride.
“Ire-reconstruct din ang aircraft at kung may makikita sila ico-cross match ‘yan sa kanilang safety record, kaya nakalipad ‘yan kasi it’s safe to fly dahil sinertify namin, but we still have to investigate kung ano talaga ang naging rason, lalabas ‘yan sa investigation, it takes about a month bago maipadala ‘yan sa opisina para mabigyan ng karampatang desisyon.” Ani Apolonio
Nagluluksa naman ang bayan ng Plaridel ngayong araw na ito dahil sa pagbagsak ng isang eroplano na pumatay sa limang residente nito.
Bilang bahagi ng pagluluksa ang pag half-mast ng bandila ng Pilipinas sa Plaridel Municipal Hall Compound.
Isang misa naman ang isinagawa para sa mga nasawi sa naturang insidente na kinabibilangan nina Rissa Santos Dela Rosa, ina nitong si Luisa Santos at mga anak na sina John Niel, Timothy at Trish na nakatakdang ihatid sa huling hantungan bukas.
Magugunitang tanghali noong Sabado nang bumagsak sa nasabing barangay ang isang 6-seater piper PA-23 apache plane na pag-aari ng Lite Air Express na may sakay na lima katao na pawang nasawi rin sa nasabing insidente.
(Ratsada Balita Interview)