Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa serye ng pambobomba sa Yellow Bus Lines Incorporated (YBLI), Mindanao Star Bus at Rural Tours sa Mindanao.
Pinangunahan ito ni NBI Director Eric Distor na nanawagan sa mga regional director at opisyal ng NBI na makibahagi sa nasabing imbestigasyon.
Kabilang sa team ang NBI-Counter Terrorism Division, Forensic Experts at Evidence Response team na nagtungo mismo sa mga matataong lugar sa Mindanao.
Ayon kay Distor, mayroon nang anim na bombing incident sa mga nasabing bus lines sa mindanao sa nagdaang dalawang taon.
Layunin ng imbestigasyon na matiyak ang national security upang maiwasan ang posibleng malalaking pag-atake hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa buong bansa.
Nagsimula ang serye ng pambobomba noong January 7, 2021 sa YBLI Koronadal City, South Cotabato Office na nasundan ng ilang pambobomba kung saan may mga nasawi at nasugatan. – sa ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5)