Kasunod nang paglutang ng iba’t iba pang kaso ng ‘tokhang for ransom’ kung saan ay idinadawit ang pulisya sa nasabing krimen, inirekomenda na ni MRPO o Movement for the Restoration of Peace and Order Founding chair Teresita Ang See ang mabilisan at malalimang imbestigasyon upang bigyang hustisya ang mga inosenteng biktima na karamihan ay mga Chinese national.
Sa panayam ng Karambola kay Ang See, inihayag nito ang matinding pagkabahala sa pagdami ng mga umano’y abusadong pulis sa bansa na sinasamantala ang mas pinaigting na giyera kontra iligal na droga ng kasalukuyang administrasyon.
“You don’t solve a problem by creating a new and bigger problem. Because of the anti-drug campaign, binigyan mo na ng blanket authority ang pulisya, and so some of them capitalized on it. Like itong mga kasong inilapit namin, kailangan i-fast track na ‘yung investigation para maparusahan na agad ang dapat maparusahan. Kung dati ay kidnap for ransom syndicates, mas nakakatakot ngayon dahil pulis na ang kalaban namin.” Pahayag ni Ang See.
Aniya, malakas ang loob ng mga salarin na gawin ang krimen dahil ang mga nabibiktima nitong Chinese national ay walang proteksyon mula sa gobyerno at maging sa Chinese embassy.
“Nakikita nung mga salarin ang vulnerability ng kanilang nabibiktima, the Philippine government doesn’t represent them, the Chinese embassy doesn’t represent them as well. ‘Yung ibang foreign nationals, the embassy burn the wires for them kapag may na-kikidnap silang kababayan sa takot na baka tuluyan na ‘yung biktima at hindi na makita kahit ang katawan nito.” Pahayag ni Ang See.
Matatandaang kinumpirma ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group na pinatay sa loob mismo ng Kampo Crame ang Koreanong negosyanteng si Jee Ick-Joo ilang araw matapos itong ma-kidnap noong Oktubre 2016.
By Ira Cruz | Credit to Karambola (Interview)
11 other cases
Una rito, ibinunyag ni Ang See na maliban sa kaso ng pagkamatay ng isang Korean businessman, may labing isang (11) kaso pa ng “tokhang for ransom” na umano’y kagagawan ng mga police scalawag.
Ayon kay Ang See ng MRPO, ang mga biktima ay sinasabing nagbayad ng ransom kapalit ng pagkaka-abswelto sa drug-related charges kahit ang ilan sa kanila ay hindi naman sangkot sa drug trade.
Idinawit ni Ang See ang mga pulis sa Maynila at maging ang ilang ahente ng NBI o National Bureau of Investigation kung saan ang mga biktima ay hindi mga Tsinoy o Chinese-Filipinos kundi mga Chinese national.
Isiniwalat pa ni Ang See na isa sa mga kaso ng “tokhang for ransom” ay naganap sa isang hotel sa Binondo noong Nobyembre 7 at pinilit pa umanong magbayad ng isang milyong piso ang pamilya ng hindi pinangalanang biktima.
Kasabay nito, nanawagan ang grupo sa Filipino-Chinese Chambers of Commerce at Chinese Embassy na tumulong upang malutas ang ‘tokhang for ransom’ cases sa bansa.
Ayon kay Ang See, maaaring makumbinsi ng samahan ng mga negosyante ang kanilang mga kababayang biktima na makipagtulungan sa imbestigasyon ng pulisya.
Sinasabing balak ding paimbestigahan ni Senator Panfilo Lacson sa Senado ang sinapit ng Koreanong si Jee Ick Joo.
By Jelbert Perdez