Ipinag-utos ng liderato ng Pambansang Pulisya ang pag-iimbestiga sa posibleng iregularidad sa Binangonan Police Station matapos ang naganap na pag-aresto sa dalawang civilian assets dahil sa umano’y kasong extortion o pangingikil.
Sa isang pahayag sinabi ni PNP Chief Police General Debold Sinas na kanya nang inatasan ang hepe ng CALABARZON Police para imbestigahan si Binangonan Police Chief, Police Lt./Col. Ferdinand Ancheta para sa command responsibility hinggil sa usaping kinakaharap ng kanyang mga tauhan.
Mababatid na naaresto ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group ang dalawang civilian assets ng Binangonan Police Station na kinilalang sina Albert Domingo at Pablo Dolfo.
Kinilala sina Domingo at Dolfo na umano’y responsable sa pangingikil ng pera kay Stephen Kellu kapalit ng pag-release ng kanyang motorsiklo na na-impound.
Bukod sa dalawa, dawit din ang anim pang tauhan ng naturang police station hinggil sa kasong pangingikil.
Kasunod nito, iginiit ni PNP Chief Police General Sinas na hindi nito palalagpasin ang anumang uri ng korapsyon sa kanilang hanay at sinabing ang mga nabanggit na mga pulis na dawit sa naturang pangingikil ay dapat sampahan ng kaukulang kaso.