Isusumite na Department of Interior and Local Government (DILG) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon hinggil sa pagkakasama ni Police Lt. Col. Jovie Espenido sa drug list, ngayong linggo.
Ayon kay DILG secretary Eduardo Año, nakatakda na sanang isumite kay Pangulong Duterte ang nabanggit na report nitong nakalipas na Sabado, Marso 7.
Gayunman, naantala aniya ito matapos maaksidente at bumagsak ang sinasakyang helicopter nina Police National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa at pitong iba pang mga opisyal ng pambansang pulisya.
Sinabi ni Año, kinakailangan muna nilang unahin ang kalagayan ng mga naaksidenteng opisyal ng PNP.
Una nang kinumpirma ni Gamboa na natapos na nila ang pag-validate sa kaso ng mahigit 300 mga pulis na sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.