Labing dalawang (12) senador sa Amerika ang umapela kay US President Donald Trump na ipagpaliban ang imbitasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbisita sa White House.
Sa sulat ng nasabing mga senador mula sa Democratic Party noong Miyerkules, May 24, naniniwala ang mga ito na hindi dapat na ituloy ang imbitasyon kay Pangulong Duterte hanggat hindi ito naninindigan para sa karapatang pantao.
Anila, posibleng magdulot ng maling mensahe ang imbitasyon kay Duterte na tila sinusuportahan ng Amerika ang umiiral na human rights violation sa Pilipinas.
Hinikayat din ng naturang mga mambabatas si Duterte na itigil na ang madugong kampanya nito laban sa gumagamit ng iligal na droga sa halip ay magkaroon ng komprehensibong public health treatment para sa mga adik.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nya papaunlakan ang imbitasyon sa kanya ng Amerika dahil sa kanyang busy schedule.
US and EU aid
Nananatiling bukas ang Amerika sa pagbibigay ng tulong sa Pilipinas para sa paglaban nito sa terorista.
Kasunod ito ng panibagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na kukuha ng armas sa amErika dahil sa pagkuwestyon sa estado ng human rights sa bansa.
Ayon kay US Ambassador to Manila Kim Sung, nanatiling ally o kakampi ng Amerika ang Pilipinas kaya’t tuloy ang pag-ayuda nito para palakasin ang anti-terrorism effort ng bansa.
Samantala, handa rin ang European Union na ituloy ang pagbibigay ng grant sa bansa sa kabila ng pagtanggi ng Pilipinas.
Ngunit iginiit ni European External Action Service Managing Director Gunnar Wiegand na hindi magmamakaawa ang EU sa Pilipinas para lamang kunin ang kanilang iniaalok na tulong.
Aniya, marami pang ibang bansang maaaring makinabang sa higit isang bilyong pisong tulong na laan sana sa Pilipinas.
Muli ay iginiit ng EU na hindi lamang sa Pilipinas itinatalaga ang kondisyon sa human rights at rule of law para sa mga ipinamamahaging tulong.
By Rianne Briones
Imbitasyon ni Trump kay Duterte ipinababawi ng 12 US senators was last modified: May 26th, 2017 by DWIZ 882