Pinamamadali na ni Sen. Imee Marcos sa PhilHealth ang pagbabayad ng utang sa mga pribado at pampublikong ospital.
Giit ni Marcos kailangan ngayon ng mga ospital ng matatag na pondo para makapag operate at makapag-expand sa gitna ng patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic gayundin ang pangamba sa pagkalat ng Delta variant.
Ayon kay Marcos, dahil hindi nagbabayad ang PhilHealth, namemeligrong magsara ang ilang ospital, may nangungutang at mayroong hindi na makapagdagdag ng bed capacity.
Bagama’t sinabi aniya ng PhilHealth na unti-unti nang nagbabayad ang ahensya sa mga ospital, ngunit batay sa reklamong natatanggap ng senador, hindi ito nakakatupad sa pangako.
Ang mga ospital lang umano sa NCR plus bubble ang inuunang bayaran ng PhilHealth.
Sinabi ng senador na sa katunayan ay umaangal na ang mga ospital sa northern Luzon dahil hindi makapagtaas ng bed capacity dahil hindi pa nagbabayad ang PhilHealth. . —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)