Tiniyak ng Bureau of Immigration na mananagot kung may mga tauhan silang sangkot sa nabunyag na escort service sa mga Chinese nationals na pumapasok sa bansa.
Ayon kay Grifton Medina, Port Operations Divisions Chief ng Bureau of Immigration, may mga naisumite na silang pangalan ng mga hinihinalang sangkot sa modus na ito sa mga paliparan at daungan.
Binalasa na rin anya ang mga tauhan ng Bureau of Immigration upang maiwasan ang pagiging masyadong pamilyar sa kanilang mga puwesto.
Kasabay nito, nilinaw ni Medina na hindi naman basta Chinese ay nakakapasok sa bansa dahil may mga datos sila ng mga Chinese nationals na hinarang nila dahil kulang sa dokumento.
Una rito, nabunyag na malayang nakakapasok sa bansa ang mga iligal na manggagawang Intsik dahil may escort silang galing sa Bureau of Immmigration.
“Meron po tayong mga security cameras at lalo pa naming pinaiigting ang facial recognition, even innovative or high-tech cameras para po makita natin kung talagang ito ay mga nag e-escort or sabihin nating merong mga sumusundo. Meron kasi talagang mga instances na may sumusundo pero alam niya naman na lIgal.” — Pahayag ni Grifton Medina, Port Operations Divisions Chief ng Bureau of Immigration.
(Ratsada Balita interview)