Nagsumite ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo ang mga Marcos loyalist na sina Atty. Oliver Lozano at Melchor Chavez kaugnay sa mga batikos ng Pangalawang Pangulo sa kampanya kontra iligal na droga ng Duterte administration.
Nakasaad sa anim na pahinang reklamo na ipinadala sa tanggapan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na nagkaroon ng violation of the constitution at betrayal of public trust sa panig ng Pangalawang Pangulo.
Ipinunto ng mga loyalista ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na isang uri ng “injustice” ang pagpapakalat ni Robredo ng mga pekeng balita hinggil sa Pilipinas nang magpadala ito ng video sa United Nations Commission on Narcotic Drugs na bumabatikos sa war on drugs ng gobyerno.
Pinagtaksilan anila ng Bise Presidente ang taumbayan nang hiyain nito ang bansa sa kanyang mensahe sa UN.
Gayunman, wala pang endorsement mula sa House Speaker ang reklamo nina Lozano at Chavez dahil naka-recess ang Kongreso.
By Drew Nacino / Jill Resontoc (Patrol 7)