Pormal nang inendorso ng Akbayan Party-List sa Kamara ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nagsanib puwersa ang iba’t ibang grupo para sa paghahain ng impeachment kabilang na ang mga civil society organizations, religious leaders, sectoral representatives, at drug war victims.
Ayon kay Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña, inakusahan ng mga complainant si VP Sara ng katiwalian, betrayal of public trust, at iba pang “high crimes.”
Inendorso anila ito dahil karapatan ng taumbayan na magkaroon ng bise-presidenteng may kakayahan, pananagutan, at nakatuon sa serbisyo publiko.
Iginiit pa ng kongresista na hindi na dapat pang hayaan na magpatuloy ang legasiya ng pamilya Duterte na puro korapsyon lamang naman at mass murder.
Ito ang kauna-unahang inihaing impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Kaugnay nito, pormal na ring natanggap ni House Secretary General Reginald Velasco ang reklamo para patalsikin sa pwesto si VP Sara. – Sa panulat ni Laica Cuevas mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)