Umusad na ang impeachment process laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, nai-transmit na ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Rules Committee ang isinampang reklamo ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano.
Sa ilalim ng impeachment rules, mayroong sampung (10) araw si Alvarez para maisama sa order of business ng Kamara ang nasabing reklamo para mai-refer sa House Committee on Justice.
Gayunman, aminado si Fariñas na magiging paspasan ang pagtalakay sa nasabing reklamo gayung labing dalawang (12) araw na lamang ang nalalabi para sa kanila bago mag-adjourn sine die ang ika-labing pitong Kongreso.
Kaugnay nito, kumpiyansa naman ang Malacañang na malabnaw at sa basurahan lamang didiretso ang impeachment complaint na inihain ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, tila nakakalimutan ni Alejano na mayorya ng mga mambabatas sa Kamara ay pawang kaalyado ng Pangulo.
Maliban pa aniya ito sa milyun-milyong Pilipino na patuloy na sumusuporta at nakikiisa sa Pangulo lalo na sa paglaban sa droga, krimen at katiwalian sa pamahalaan.
Muling iginiit ni Panelo na propaganda lamang ang inihaing reklamo ni Alejano laban sa Pangulo upang makakuha ng simpatiya mula sa international community bunsod ng isinampa nilang kaso sa ICC o International Criminal Court.
By Jaymark Dagala
Impeachment process vs. Pangulo gumulong na sa Kamara was last modified: May 4th, 2017 by DWIZ 882