Kampante si Justice Secretary Menardo Guevarra na walang magiging epekto sa nominasyon ng apat na Supreme Court Associate Justices na nominado sa pagka-Chief Justice ang impeachment complaint ng ilang mambabatas laban sa kanila.
Ang apat ay sina Associate Justices Teresita Leonardo De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin at Andres Reyes.
Ayon kay Guevarra, ex-officio member ng Judicial and Bar Council, ang naturang reklamo ay hindi katulad ng kasong kriminal at administratibo na grounds upang mapawalang-bisa o mabalewala ang aplikasyon ng sinumang nagnanais na maupo bilang mahistrado ng Korte Suprema batay sa JBC rules.
Kahapon ay naghain ng impeachment complaint ang tinaguriang Magnificent 7 ng Kamara laban sa pitong mahistrado ng SC na pumabor sa quo warranto petition ng Office of the Solicitor-General na nagpatalsik naman kay dating Chief Justice at ngayo’y Atty Ma. Lourdes Sereno.
Dahil anila ito sa culpable violation ng konstitusyon at maituturing na betrayal of public trust.
(with report from Bert Mozo)