Patuloy na nangangalap ng mga dokumento ang ilang grupo upang mapalakas ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sa dalawang pahinang liham sa Korte Suprema, humirit ang VACC o Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution Inc. ng certified copies ng pitong dokumento na magpapatibay ng kanilang reklamo laban kay Sereno.
Kabilang sa mga inihihirit nila ay ang memorandum ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro na kumukuwestiyon sa mga kautusan ni Sereno dahil sa kawalan ng approval mula sa collegial court.
Giit ni De Castro, nilabag ni Sereno ang isang administrative order na nagsasaad na dapat dumaan sa en banc ang lahat ng appointment na lalagdaan ng punong mahistrado.