Ibinasura ng House Committee on Justice sa unang araw pa lamang ng hearing ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Sa botong 44 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay bumoto ng “dismiss outright” ang mga myembro ng panel matapos kakitaan na walang sapat na porma ang reklamong pagpapatalsik laban kay Leonen.
Nagmosyon si Senior Deputy Speaker Doy Leachon na ibasura na ang impeachment complaint laban kay Leonen.
Ayon kina Deputy Speaker Rufus Rodriguez at Albay Rep. Edcel Lagman, wala umanong isinumiteng certified at authentic records o documents ang complainant na si Edwin Cordevilla.
Anila, puro photocopy sa dyaryo at sa online news website pinagkukuha ang mga dokumentong ibinigay sa komite.
“Purely hearsay” rin umano at hindi tatayo ang reklamong ito sa trial.
Naging batayan naman sa pagbasura ng naturang reklamo ang Section 1 Rule 16 ng rules of court.
Hindi naman na ibabalik sa tanggapan ng Secretary General ang impeachment complaint bagkus ay gagawan na ito ng committee report para sa tuluyang pagsasara ng kaso. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)