Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kamara kung magsasampa o hindi ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang tugon ng palasyo sa banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maghahain din ng reklamo sa pangalawang pangulo.
Ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, sariling opinyon ni Alvarez ang panawagang ipa-impeach si Robredo lalo’t ang mababang kapulungan naman ng kongreso ang mag-de-determina kung ano ang mga posibleng batayan ng paghahain ng reklamo.
Sa ngayon anya ay nakatutok si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamahala ng bayan at kapakanan ng publiko partikular ang pagsugpo sa krimen, iligal na droga at katiwalian.
Katunayan ay abala ang palasyo sa biyahe ng pangulo sa Myanmar at Thailand ngayong araw upang patatagin ang ugnayan ng Pilipinas sa dalawang nabanggit na karatig bansa sa Southeast Asia at bilang host ng ASEAN conference ngayong taon.
Posibilidad na ma-impeach si Vice President Robredo, malaki kaysa kay Pangulong Duterte — Senate President Koko Pimentel
Malaki ang posibilidad na ma-impeach sa Kamara si Vice President Leni Robredo kaysa kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel, kailangan lamang ng lagda ng isandaang senador mula sa dalawandaan siyamnapu’t limang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso upang i-akyat sa senado ang impeachment complaint.
Ito, anya, ay upang masimulan na ang paglilitis sa sinumang inaakusahan.
Sa ngayon ay dominado ng “super majority” ng Duterte administration ang Kamara sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez, secretary general ng PDP-Laban habang si Pimentel, na pangulo ng partido ang nakaluklok sa Senado.
Kumambyo naman ang Senate president sa pagsasabing sakaling ma-impeach at makulong si Robredo ay hindi naman ito nangangahulugang si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ang hahalili bilang pangalawang pangulo.
By Drew Nacino