Magsasagawa ng kilos protesta ang tatlong complainant na naghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ayon kay dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, kasunod ng pagpupulong ng mga complainant kung saan pinag-usapan nila ang susunod na hakbang habang lumalapit ang pagtatapos ng 19th Congress.
Sa isasagawa anilang kilos-protesta ay ipapanawagan nila sa pamunuan ng Kamara na bigyang aksyon ang mga inihaing reklamo upang mapapanagot si VP Sara sa maling paggamit ng pondo.
Dagdag pa ng dating Kongresista, nais lang nila na ipadala na ng speaker ang kanilang complaints sa Committee on Justice para ito ay mapag-usapan at mapag-desisyon na.
Muli namang magbubukas ang sesyon ng kamara sa susunod na Linggo, Enero 13 na magsasara sa Pebrero 7 upang bigyang daan ang simula ng kampanya ng mga tumatakbo sa pagkasenador. – Sa panulat ni Jeraline Doinog