Positibo si Atty. Larry Gadon na didiretso na sa Senado ang inihain niyang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Gadon, marami pang kongresista ang nagpahayag ng kahandaang lumagda sa kanyang inihaing reklamo laban kay Sereno.
Sa unang araw pa lamang ng paghahain ng impeachment complaint ay dalawampu’t limang (25) kongresista ang agad na pumirma sa reklamo gayung mga 100 lamang ang kailangan upang maidiretso na ito sa Senado.
“At least 25 agad yung nakapirma, lahat sila nalaman ang grounds sa aking complaint, di-nisscuss ko yan at ipinaliwanag ko sa kanila. Kung paano nilang bubuuin ang trial ay nasa kamay na ng prosecutors ng House of Representatives, ang mga pumirma diyan ay hindi ko personal na kilala, ang kausap ko lang diyan dati ay mga 3 kongresista lamang, ine-expect ko na dahil sinabi ng mga nakakausap ko diyan sa Congress na kayang-kaya nilang buuin ang 100 pirma, nagulat nga ako dahil inaasahan ko lamang ay 3 lang ang pipirma, pero sa unang bugso pa lang ay 25 agad, may mga nagsabi pa nga na “Nakauwi na kami sayang”, ang mangyayari niyan ay yung iba ay pipirma ngayong araw o sa susunod na linggo.” Ani Gadon
Iginiit ni Gadon na mismong mga kasamahan ni Sereno sa Korte Suprema ang handang tumestigo sa sandaling dinggin na ng Senado ang impeachment complaint.
Naniniwala rin si Gadon na sapat ang mga hawak niyang opisyal na dokumento para idiin si Sereno.
Kabilang sa reklamo ni Gadon ang di umano’y pagtraydor ni Sereno sa tiwala ng taong bayan dahil sa hindi pagsasabi ng totoo sa kanyang Statement of Assets and Liabilities at mga katiwalian sa Korte Suprema tulad na lamang ng labis-labis na paggastos ng pondo ng bayan.
Tinukoy ni Gadon bilang ehemplo ang pagbili di umano ni Sereno ng sasakyan na nagkakahalaga ng halos 9 milyong piso.
“Itong isyu sa kanya sa SALN ay mas matindi kaysa doon kay dating CJ Corona dahil mas malaki ang hindi niya na-declare na income, betrayal of public trust, napaka-extravagant and lavish ang kanyang style sa pamamalakad sa opisina, yung pagbili niya ng sasakyan nang wala sa lugar, pagsakay ng first class na eroplano, pag-check in sa mga hotel na minsan presidential suite pa, at yung pagbigay niya ng allowance at travel expenses sa mga tauhan kahit hindi official time, talagang inabuso niya ang kanyang kapangyarihan.”
“Bumili siya ng 5.1 million worth na Land Cruiser at pina-bullet proof niya yan ng almost 4 million ang nagastos, napakalaking halaga na ginamit niya galing sa kaban ng bayan…kalunus-lunos na kalagayan” Pahayag ni Gadon
By Len Aguirre / Ratsada Balita Interview