Tuloy at posibleng ihain na ngayong linggo ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang ipinabatid sa DWIZ ni Atty. Larry Gadon na isa sa mga nagsusulong ng reklamo.
“Ifa-file natin ito within the week sa Congress, may hinihintay lang tayong dokumento para madagdagan ang grounds ko, kung hindi man natin makuha yan, ay next week ifa-file ko kahit wala itong dokumento, I believe I have more than sufficient grounds to file the case.” Ani Gadon
Binigyang diin ni Gadon na malinaw ang mga naging pang-aabuso sa kapangyarihan ng Punong Mahistrado na siyang sapat na dahilan para siya’y mapatalsik.
Aniya, kabilang na rito ang sobra-sobrang bayad na tinanggap ni Sereno bilang abogado ng PIATCO o Philippine International Airport Terminals Corporation na siyang nagtayo ng NAIA Terminal 3.
“Public knowledge na yang pagkakaroon ng income na napakalaki na naging sanhi na yan ng isang kaso na dinesisyunan ng Mandaluyong RTC, na sinasabi na yang fees na yan ay excessive at hindi dapat bayaran ng gobyerno, na hindi makatwiran dahil sobrang laki, hindi dumaan sa bidding process yan yung pag-engaged sa kanya bilang abogado, meron naman tayong OSG so hindi kailangang mag-hire ng lawyer ang gobyerno na napakamahal ng bayad.” Ani Gadon
Hindi rin aniya katanggap-tanggap bilang isang mataas na opisyal ng pamahalaan ang pagiging magarbo nito sa pagbili ng mamahalin at bullet-proof na SUV na nagkakahalaga ng mahigit walong (8) milyong piso gayung kung susumahin ang orihinal na presyo niyon ay naglalaro lamang sa humigit kumulang limang (5) milyong piso lamang.
“Papasok naman ito sa betrayal of public trust kasi yung pagbili ng magarbo at mahal na sasakyan ay hindi naaayon ngayon sa polisiya na ipinatutupad ni President Duterte na dapat magtipid ang mga opisyal ng gobyerno. Yang sasakyang binili ni CJ Sereno ay kanya pang pina-bullet proofing nasa halagang 3 million, so itong kotse na ito ay nagkakahalaga ng 8 million.”
“Ang isa pang questionable dito ay yung budget na ginamit nila dito sa pagbili ng sasakyan ay 5.1 million eh nasa database ng Toyota na automatic ay nagkakahalaga lamang ng 4.5 million, so napakalaki ng ibinayad ng Supreme Court. The use of discretion to purchase something which is not necessary, that’s the question, Kailangan bang maging magarbo? May mas mababang halaga na bullet proof na sasakyan, yan ay very excessive using of public funds.” Pahayag ni Gadon
Samantala, malakas naman ang paniniwala ni Gadon na uusad ang ihahaing reklamo laban sa Punong Mahistrado.
“Hindi lang itong tungkol sa legal fees ang grounds ko, isa lang yan, may mas matitindi pa kaming grounds na ayaw ko pang banggitin ngayon pero kapag nai-file ito ay lalabas lahat. May mga nakausap na akong mga kongresista na mag-eendorse nito.”
Sa ngayon aniya ay naka-sentro ang reklamo laban kay CJ Sereno sa pagpapatalsik dito sa puwesto at isusunod na lang ang criminal cases sakaling may isyu ng korupsyon.
By Jaymark Dagala | AR | Ratsada Balita Interview