Gumugulong na sa kamara ang impeachment process laban kay Commission on Elections chairman Andres Bautista.
Ayon kay House Majority floor leader Rodolfo Fariñas, noon pang Huwebes ipinasa ni secretary-general Cesar Pareja ang impeachment complaint kay speaker Pantaleon Alvarez o isang araw matapos itong ihain.
Mayroon sampung araw ang House speaker upang ipadala ang kopya ng reklamo sa Committee on Rules na pinamumunuan ni Fariñas at mayroon ding sampung araw upang isama ito sa order of business para sa referral naman sa Committee on Justice upang busisiin.
Binibigyan naman ang Justice Committee ng dalawang buwan upang magsagawa ng mga hearing at magsumite ng report.
Magugunitang inihain ni dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras at Atty. Ferdinand Topacio ang impeachment laban kay Bautista kaugnay sa mga tago umano nitong yaman na nadiskubre ng kanyang maybahay na si Patricia.