Halos tapos na ang pagbalangkas ng Senado sa gagamiting rules para sa napipintong impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, nasa walumpu hanggang siyamnapung porsyento na ang kanilang nagagawang draft para sa impeachment rules.
Paliwanag ni Pimentel, partikular na kanilang inaayos ang mga natukoy na malabo at mahina sa panuntunan na ginamit noong nilitis sina dating Chief Justice Renato Corona at dating Pangulong Joseph Estrada.
Dagdag ni Pimentel, nakasaad din sa kanilang draft rules na hindi oobligahing dumalo sa paglilitis si Sereno at hahayaan itong magpasya kung sasalang sa witness stand para ipagtanggol ang sarili.
(Ulat ni Cely Bueno)
Samantala, ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pagpapasiya sa kaso laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa kanyang talumpati sa oath taking ceremony ng Presidential Anti-Corruption Commission, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya maaaring makialam dito dahil co-equal branch ng executive department ang judiciary.
Muling ring itinanggi ng Pangulo na may kinalaman siya sa anumang hakbang kaugnay na pagpapatalsik kay Sereno.
Kasunod na rin ng nga paghahain ng quo warranto petition sa Korte Suprema ni Solicitor General Jose Calida para kuwestiyunin ang pagkakatalaga kay Sereno bilang Punong Mahistrado.
—-