Posibleng sa huling linggo ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre masisimulan ng Senado ang impeachment trial kay COMELEC Chairman Andres Bautista.
Binigyang diin ito ni Senate Majority Floorleader Vicente Sotto the Third dahil kailangang paghandaan ng Senado ang impeachment trial sa sandaling maihain na sa kanila ng Kamara ang Articles of Impeachment.
Sa ilalim ng konstitusyon ang Senado lamang ang may kapangyarihang litisin at desisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.
Ang Supreme Court Chief Justice ang tatayong presiding officer ng impeachment court.
Magugunitang 137 Congressmen ang bumotong baligtarin ang naunang desisyon ng House Justice Committee na ibasura ang impeachment complaint laban kay Bautista na pinaboran naman ng pitumput limang kongresista.