Tatalakayin na ng House Committee on Justice ang reklamong impeachment laban kay COMELEC o Commission on Elections Chairman Andres Bautista sa Martes ng susunod na linggo.
Pero paglilinaw ni Committee Chairman at Mindoro Representative Reynaldo Umali, hindi obligadong humarap ni Bautista sa pagdinig dahil sa tutukuyin pa lamang kung tama ang balangkas at kung may sapat na batayan ang nasabing reklamo.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Bautista kasunod ng alegasyon ng kaniyang asawa na si Ginang Patricia Paz hinggil sa umano’y tagong yaman ng poll chief na nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo ay ang VACC o Volunteers Against Crime and Corruption sa pangunguna nila Atty. Ferdinand Topacio at dating Negros Rep. Jacinto ‘Jing’ Paras.
—-