Inamin mismo ni House Secretary General Reginald Velasco na hindi pa sapat ang suporta ng mga mambabatas sa Kamara sa mga inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Secretary General Velasco, nananatili sa anim na mambabatas ang nagpahayag ng kanilang buong suporta sa tatlong impeachment cases laban kay VP Sara.
Malabo pa anya ito sa bilang na kinakailangan upang tuluyang umusad ang impeachment trial.
Idinagdag pa ni Velasco na kinakailangan ng 154 na boto mula sa 308 na bilang ng house members upang makuha ang majority votes sa plenaryo habang 16 mula sa 30 boto naman para sa miyembro ng Committee on Justice.
Nilinaw pa ng House Secretary General sa oras na pumalya ang impeachment cases laban kaya VP Duterte, isang taon pa umano ang bibilangin upang muling makapaghain ng bagong impeachment complaints sa isang opisyal.
Sa ngayon, hinihintay pa ni Velasco ang ika-apat na complaint bago ito ipasa o isumite sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.