Aminado si Executive Secretary Salvador Medialdea na marami ang dapat ayusin sa pagsasailalim sa community quarantine ng Metro Manila.
Ayon kay Medialdea, nagdulot ng kalituhan sa publiko at nagsulputan ang mga katanungan kaugnay sa nasasakupan ng naturang direktiba.
Ani Medialdea, maging siya ay nakatanggap ng maraming katunangan gaya na lamang ng kung ano ang ibig sabihin ng community quarantine at anong mga mass gatherings ang ipagbabawal.
Nariyan din aniya ang mga tanong hinggil sa kung ano ang magiging sitwasyon ng mga empleyadong nagta trabaho sa Metro Manila at nakatira sa mga karatig lalawigan.
Sinabi ni Medialdea na sisikapin nilang sagutin ang lahat ng katanungan ng publiko ngayong inaayos na ang resolusyon kaugnay sa pagsasailalim sa community quarantine ng Metro Manila.
Giit ni Medialdea, kung nais ng pamahalaan ng kooperasyon mula sa mamamayan sa ibinababang direktiba dapat ay maipaliwanag at maging malinaw ang bawat nilalaman nito sa publiko.