Naghahanda na ang Bureau of Immigration (BI) sa implementasyon ng digitized arrival cards at records para sa mas mahigpit na pagtutok sa mga pasahero.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa gitna pa rin ito nang patuloy na banta ng COVID-19 pandemic matapos ipabatid ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kongreso ang ilulunsad na advanced passenger processing at information system ng ahensya.
Bahagi nito aniya ang paggamit ng digitized arrival cards at boarding passes para sa international passengers na papasok at lalabas ng mga port ng bansa.
Sinabi ni Morente na layon din ng bagong protocols na masunod ang social distancing upang maiwasan ang person to person contact sa pagitan ng officers at mga pasahero at para pangasiwaan ang contact tracing kung kakailanganin.