Pinasususpinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng kontrobersiyal na Motorcycle Crime Prevention Act o ‘doble-plaka law’ na kanyang nilagdaan noong nakaraang buwan.
Ito ang inihayag mismo ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng mga motorcycle riders sa Iloilo City noong Sabado.
Ayon sa Pangulo, kukumbinsihin niya ang Land Transportation Office (LTO) na itigil muna ang pagpapatupad ng batas dahil mapanganib aniya ang maglagay ng plaka sa harapan ng motorsiklo.
Aniya, mas mahalaga ang plaka sa likod kaya kanyang imumungkahing lakihan ng one fourth ang kasalukuyang sukat nito.
Dagdag ng Pangulo, hihilingin niya ring babaan ang multa na ipapataw sa mga lalabag sa nasabing batas.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Pangulong duterte ang dahilan kung bakit niya nilagdaan ang ‘doble plaka law’.
“Alam mo kasi bakit pinirmahan ko, ang pulis tao ko yan, ang military tao ko, anong irekomenda nila, I will adopt it. Basta maglagay lang ng rationale.” Pahayag ni Pangulong Duterte
Motorcycle groups rejoice
Ikinatuwa naman ng isang grupo ng mga motorcycle riders ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sususpendihin ang implementasyon ng ‘doble plaka law’ o Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon kay Atoy Sta. Cruz, pangulo ng Motorcycle Federation of the Philippines, noong una pa lamang, umasa na silang ivi-veto ni Pangulong Duterte ang nasabing batas.
Aniya, posibleng pag-aralang muli ng Pangulo ang ‘doble plaka law’ matapos bigyang paglilinaw hinggil sa panganib na posibleng idulot paglalagay ng plaka sa harapan ng motorsiklo.
Sinabi ni Sta. Cruz, inaantabayanan nila ngayon kung matutuloy ang nakatakdang konsultasyon para sa pagbuo ng implementing rules and regulations (IRR) sa nasabing batas o hihintayin ang resulta ng pag-uusap nina Pangulong Duterte at Senador Richard Gordon.
Gordon answers
Samantala, iginiit ni Senador Richard Gordon na kanya lamang ipinagtatanggol ang mga biktima at pinatay ng mga kriminal na riding in tandem sa pag-akda niya ng Motorcycle Crime Prevention Act o ‘doble plaka law’.
Kasunod ito ng naging anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya munang ipasususpendi ang implementasyon ng nasabing batas.
Ayon kay Gordon, layon ng doble plaka law ang mabawasan o maiwasan ang mga pagpatay o anumang krimen na isinasagawa ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo.
Binigyang diin pa ni Gordon, walang kapangyarihan ang sinumang Pangulo na suspendihin ang anumang batas.
Aniya, maaaring hinahabol lamang ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng implementing rules and regulations (IRR).
—-