Mas palalakasin ng Department of Agriculture (DA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang implementasyon ng “Halina’t magtanim ng Prutas At Gulay, Kadiwa Ay Yaman, Plants for Bountiful Barangays Movement” (HAPAG KAY PBBM) program. Target ng nasabing programa na tiyakin ang food security sa bansa.
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malutas ang mga isyu sa food supply, kaya naman inilunsad ng administrasyon niya ang isang localized agriculture production program.
Sa pamamagitan ng urban and peri-urban agriculture at community engagement, makakamit ng bansa ang pagkakaroon ng access sa sariwa, ligtas, at abot-kayang pagkain.
Naging posible ang HAPAG KAY PBBM program dahil sa pagsasama ng dalawang inisyatiba ng pamahalaan sa urban agriculture: ang “Halina’t magtanim ng Prutas At Gulay” (HAPAG) sa Barangay Project ng DILG at “Green Revolution 2.0: Plants for Bountiful Barangays Movement” (PBBM) ng DA.
Ayon kay DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, mapaiigting ng joint collaboration ng dalawang ahensya ang kapasidad ng mg barangay na magkaroon ng sustainable agriculture.
Sa ilalim ng HAPAG KAY PBBM program, magbibigay ang DA ng technical assistance, seeds, fertilizers, at pesticides bilang tulong sa mga barangay at magsasaka.
Palalawigin naman ng DILG ang training at support sa barangay officials sa pagpapatupad ng programa at paghikayat sa kanilang mga residente na lumahok dito.
Sisiguraduhin din sa HAPAG KAY PBBM program ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng eco-friendly urban agriculture practices and technologies gaya ng aeroponics, container gardening, aquaponics, fruit-bearing tree planting, hydroponics, square-foot gardening, at vertical gardening.
Samantala, hinimok naman ni Pangulong Marcos ang publiko na suportahan at lumahok sa nasabing programa, para na rin makatulong sa mga komunidad na makabangon mula sa mga isyung kinakaharap ng sektor ng agrikultura.