Tiniyak ni incoming Education Secretary Leonor Briones na magpapatuloy ang implementasyon ng K to 12 program sa incoming Duterte administration.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagtutol ng ilang grupo sa nabanggit na programa na sinimulan ng administrasyon ni outgoing President Noynoy Aquino.
Ayon kay Briones, lalo lamang magkakaroon ng mga problema kung ititigil o ipagpapaliban ang K to 12 program na nagdaragdag ng dalawang taon sa basic education.
Wala anyang perpektong polisiya dahil hindi naman nawawala ang mga problema sa anumang mga ipinatutupad na programa o batas.
Gayunman, maaaring magkaroon ng mga pagbabago depende sa mga mangyayari sa June 13 o sa unang araw ng balik-eskwela kung saan inaasahang lalabas ang mga problema.
Kasabay nito, imo-monitor ni Briones ang bagong curriculum para sa grade 5 students at ang pagsisimula ng grade 11 sa senior high school program.
Aminado si Briones na sa ngayon ay tanging pag-momonitor ng kaganapan sa pagbubukas ng klase ang magagawa ng susunod na administrasyon simula sa Hunyo 13.
Nauunawaan anya nila ang hinaing ng ilang grupo, mga magulang at estudyante laban sa K to 12 program lalo’t ikinukunsidera ito bilang dagdag pasanin sa mga pamilyang mahirap.
Tiniyak naman ni Briones na handa ang susunod na administrasyon sa mga hamong maaaring kaharapin sa implementasyon ng K to 12.
Samantala, pinaplantsa na ang transition team upang matiyak ang maayos na pagsasalin ng mga tungkulin ng outgoing administration sa bagong pamunuan.
By: Drew Nacino