Bagama’t napapanahon ang pagpasa ng Magna Carta for Filipino Seafarers, tiniyak ng Trabaho Partylist na tututukan nito ang pagpapatupad ng batas upang mapagaan ang buhay ng mga marinong Pinoy.
Pahayag ni Trabaho spokesperson, Atty. Mitchelle Espiritu, dapat itong bantayan sapagka’t may mga probisyon sa batas na tinututulan ng ilang grupo ng marino.
Aniya, kasama rito ang pangangailangang mag-post ng execution bond kapag nanalo sa kaso ang marino habang inaapela ng shipowner o manning agency ang usapin.
Giit ng Trabaho Partylist, babantayan din nito ang prosesong pagdadaanan ng mga marino upang makapag-claim ng kanilang mga benepisyo.
Maaari aniyang mahirapan ang mga marino na ma-claim ang benepisyo subalit kailangan nilang patunayan kung ang kanilang sakit o sugat ay dulot ng trabaho.
Bunga nito, ipinunto ni Espiritu na maaaring mapilitan ang mga marino na lumapit sa mga abogadong malaki maningil para sa legal services, bagay na tututukan ng Trabaho Partylist tulad ng pagbuo ng grupo ng mga manananggol para makapaghandog ng libreng legal assistance sa mga marino.
Matatandaan na pormal na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Magna Carta for Filipino Seafarers noong nakaraang buwan, na ayon sa grupo ay isang mahalagang hakbang para dagdagan ang proteksyon ng mga marinong Pinoy.