Otomatiko nang natanggal ang Temporary Restraining Order o TRO sa paggamit ng dalawang uri ng contraceptives sa pagpapatupad ng Reproductive Health (RH) Law.
Ito’y matapos sertipikahan na ng Food and Drug Administration o FDA na hindi nakakapagpalaglag ng sanggol sa sinapupunan ang Implanon at Implanon NXT.
Sa resolusyon ng Supreme Court (SC) Special Second Division noong Abril ng taong ito, malinaw na nakasaad na otomatikong matatanggal ang TRO sa sandaling magpalabas ng sertipikasyon ang FDA.
Matatandaan na ganito din ang naging sagot ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno nang batikusin siya ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa TRO na siyang balakid para maipatupad ang RH Law.
Ang TRO ng Korte Suprema sa Implanon at Implanon NXT ang itinuturong dahilan kung bakit hindi maipatupad ng buo ang RH Law, limang taon matapos itong maisabatas.