Paiigtingin na ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang implementasyon ng yellow at motorcycle lanes sa EDSA, simula sa susunod na linggo upang mabilis ang daloy ng trapiko at maiwasan ang mga aksidente na kadalasang kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Ayon kay M.M.D.A. Assistant General Manager for planning Jojo Garcia, simula Lunes (Nobyembre 20), ay hindi na papayagan ang mga Public Utility Vehicle tulad ng bus, UV express at jeep na lumabas sa yellow lane.
Maaari namang pumasok sa yellow lane ang mga private vehicle isandaang metro ang layo bago lumabas.
Ipinaliwanag ni Garcia na ang unang lane mula sa sidewalk ay magsisilbing loading at unloading zone habang ang ikalawang lane ay para sa provincial at point-to-point buses at ang loading at unloading sa second lane ay ipagbabawal.
Samantala, magsasagawa ng dry run ang MMDA para sa implementasyon ng motorcycle lanes o blue lanes sa EDSA sa Lunes hanggang Martes habang ang mas mahigpit na implementasyon ay ipatutupad sa Miyerkules.
Maaaring mag-over-take ang mga motorcycle rider sa left-most lane upang masanay sa “motorcycle mobility.”