Inaalam na ng Department of Health (DOH) kung totoo ang impormasyon na isa pang pasyente na positibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang sumakabilang buhay sa bansa.
Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, posibleng magkaroon na ito ng linaw mamayang tanghali at ipagbibigay-alam nila ito sa publiko sa kanilang araw-araw na press conference.
Sinabi ni Duque na nais rin nyang malaman ang mga detalye tulad ng kung mayroong umiiral na sakit ang pasyente tulad ng diabetes, cancer o hypertension..
Batay sa paunang impormasyon, isang American national ang sumakabilang buhay sa isang pribadong ospital dahil sa COVID-19.
Sakaling makumpirma, ito na ang ikalawang pagkakataon na may nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.
Matatandaan na isang Chinese tourist ang nasawi sa COVID-19 noong February 1 habang narito sa Pilipinas.
Hanggang nitong umaga, umabot na sa 24 na ang nag positibo sa COVID-19 dito sa Pilipinas.