Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mananatiling confidential o hindi maisasapubliko ang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na mauugnay sa ilegal na droga.
Ito ang sinabi ni DILG secretary Benhur Abalos sa pagdalo sa tradisyunal na New Year’s call ng PNP sa Kampo Crame kasabay na rin ng panawagan sa mga matataas na opisyal ng PNP na maghain ng ‘courtesy resignation’.
Ayon kay Abalos, hindi pa kailangang isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga pulis lalo’t daraan pa ito sa masinsinang pagsusuri ng binuong Committee of Five.
Sa oras naman na abutin ng pagreretiro na mapapatunayang sangkot sa kaso ang isang pulis, sinabi ni Abalos na hahayaan na lamang niyang magretiro ng matiwasay ang mga ito ngunit hindi pa rin ligtas sa reklamo.
Sa huling datos, sinabi ni PNP spokesperson, PCol. Jean Fajardo, na tatlo na mula sa 256 na opisyal ng PNP na naghain ng ‘courtesy resignation’ ang nagretiro na sa puwesto.