Hindi pa dapat isara sa halip dapat ipagpatuloy ang imbestigasyon sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy “Lapid” Mabasa kahit pa sumuko na ang self-confessed gunman sa krimen.
Ito ang panawagan ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sa gitna ng pangamba na isara na ng pulisya ang kaso makaraang sumuko sa PNP ang umano’y hitman na si Joel Estorial.
Nakasaad sa PNP manual na ang isang kaso ay ikinukunsiderang solved and closed kapag tukoy na ang suspek; kapag may sapat ng ebidensya para magharap ng kaso;
Kapag nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek at kapag ang suspek ay naipagharap na ng kaso sa Prosecutor’s Office o’ sa Korte.
Ayon kay Revilla, hindi maaaring ikunsiderang lutas na ang kaso ng pagpaslang kay Mabasa dahil nananatiling at-large ang mga tatlo umanong kasabwat ni Estorial at kailangan pang malaman kung sino ang mastermind.
Labis ding ikinabahala ng Senador ang ibinunyag ni Estorial na nanggaling sa loob ng New Bilibid Prisons ang utos na pagpatay sa broadcaster.
Ito ang dahilan kaya’t naghain ang mambabatas ng resolution 264 na nagsusulong na imbestigahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung paanong nakagawa ng krimen ang mga nasa loob ng Bilibid at pagpaliwanagin ang Bureau of Corrections. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)