Umaapela si Senator Imee Marcos sa gobyerno na harangin ang importasyon at nagmamaniobra sa lokal na supply ng karne ng baboy bago tuluyang patayin ang ating pork industry.
Ito ayon kay Sen. Marcos ay dahil ang papatay sa kabuhayan ng mga local hog raisers ay sa sandaling ipatupad na ng Department of Agriculture ang planong itaas ang minimum access volume ng aangkating karne ng baboy.
Ayon kay Marcos, OA ang pagmamadali ng DA na lakihan ang pag-import ng karne ng baboy para mapababa ang presyo sa pamilihan.
Pangamba ni Marcos, baka magresulta ito ng pagpatay sa hog industry bago pa man mailabas ng Vietnam ang bakuna laban sa African Swine Fever.
Sa halip anya na magmadali sa importasyon, ang dapat aksiyunan ay ang hoarding ng pork products na posibleng sanhi ng artipisyal na pagtataas ng presyo sa merkado.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na kaya ng gobyerno na maibaba ang presyo ng karne ng baboy kung isu-subsidize ang gastos sa pagbiyahe nito sa Luzon na 80% ay nagmumula sa Visayas at Mindanao.