Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga wild pigs, pork products, at mga by-products mula Germany kasunod ng naitalang kaso doon ng african swine fever (ASF).
Ayon sa DA, mismong ang Friedrich Loeffler Institut ang nagbigay ng kumpirmasyon hinggil sa unang kaso ng ASF sa Schenkendöbern, Spree-Neiße, at Brandenburg.
Base umano ang impormasyon na ito sa official report na isinumite ni Federal Ministry of Food and Agriculture Dr. Dietrich Rassow sa World Organization for Animal Health.
Bunsod nito, agad na ipinag-utos ni Agriculture Secretary William Dar ang pagsuspende sa pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa mga wild pigs, pork products, at by-products na mula sa Germany.
Babala ng DA, kanilang kukumpiskahin ang lahat ng mahuhuling shipments ng mga pork products na manggagaling sa nabanggit na bansa.