Umiinit na naman ang usapin tungkol sa imported basura mula Canada na ngayon ay sa Bayan ng Capas sa lalawigan ng Tarlac ito itinambak.
Naturalemente na nagpupuyos sa galit ang lokal na pamahalaan ng Tarlac, maging ang mga residente nito dahil sa anila’y negatibong epekto nito sa kanilang kalusugan.
Bukod sa mga residente at opisyal ng Tarlac, binatikos din ng grupo ng mga environmentalist ang hakbang na ito ng gobyerno.
Sino ba naman ang hindi magagalit kung sa iyong bakuran itambak ang basurang hindi naman nagmula sa inyong lugar.
Katunayan, matagal nang hindi naungkat at napansin ang isyung ito nang dumating sa ating bansa ang basura ng Canada at ngayon lang ito muling umusbong dahil sa maling ginawa ng ating pamahalaan na doon sa lalawigan ng ating Pangulong Noynoy Aquino itambak ang basura.
Ano kaya ang masasabi ni Pnoy dito, tapunan na pala ng basura ng ibang bansa ang Tarlac?
Naku po, kapag nalaman iyan ng mga ninuno ng ating pangulo, kung sila pa ay nabubuhay pa, siguradong sabon at pang-iinsulto ang aabutin nitong mga opisyal na gumawa ng desisyon dito.
Nakasisiguro tayo na karamihan sa mga Pinoy ngayon ay laman ng kanilang saloobin ay ibalik sa Canada itong basurang kanilang pinadala sa ating bansa.
Hindi na nga tayo magkanda-ugaga sa kakalinis ng ating sandamukal at sangkaterbang basura na naging sanhi ng mga pagbaha sa Pilipinas, tapos itong basura pa ng ibang bansa ay atin pang tinatanggap, ano kayo hilo!
Pwede ba, utang na loob, sa madaling panahon ay ibalik o back-to-sender yang basurang iyan.
Kung tutuusin, yung mga opsiyal na nagpasya at gumawa ng desisyon na dalhin sa Tarlac ang basurang ito ay dapat isamang mabulok sa container van.
Bagay kayo diyan dahil tila bulok ang inyong desisyon at hindi man lang kayo nabahala sa maaring masamang idulot sa ating mga kababayan.
Okay lang sana kung mapapakinabangan natin ang mga ipinapadala ng ibang bansa tulad ng mga used clothes o yaong relief goods na madalas dumarating sa Pilipinas.
Pero itong basura, no way!
Pakiusap natin sa Department of Foreign Affairs na iparating sa pamahalaan ng Canada, na hindi tapunan ng basura ang Pilipinas.
Matuto naman kayong magtapon ng inyong basura!
Nakakahiya kayo!
Sabagay, ang Canada ay isa sa mga bansang tumutol sa ginawang Basel Convention, o ang kasunduan o tratado ng mga bansang miyembro dito na bawal magpadala ng anumang basura lalong-lalo na kung ito ay toxic at hazardous.