Nakarating na sa Department of Environment and Natural Resources-Soccsksargen ang nag-viral na video ng isang social media vlogger, na nagpapakita nang hindi tamang pagtrato sa mga Philippine Tarsier.
Nangyari ang insidente sa Barangay Maligo, South Cotabato.
Sa isinagawang imbestigasyon ng ahensya, napag-alamang pinakawalan din ng vlogger na si ‘Farm Boy,’ ang dalawang tarsier na tampok sa naturang video.
Sa kabila nito, patuloy pa ring tinitingnan ng DENR ang magiging aksyon sa naturang insidente.
Matatandaang umani ng batikos ang viral video, kung saan, tila pinagkatuwaan ang mga Tarsier, at makikitang mahigpit ang pagkakahawak sa mga ito, pilit pang ibinuka ang bibig ng isa sa mga Tarsier para ngumiti sa camera, at inilagay din ang mga ito sa loob ng hawla.
Nabatid na ang Philippine Tarsier ay kabilang sa mga “Endangered” Wildlife species na nakalista sa International Union for Conservation of Nature Monitoring Center.