“Most fertile woman on earth” kung ituring si Mariam Nabatanz mula sa Uganda, East Africa.
Ito ay dahil bago pa man tumuntong sa edad na 40, nagkaroon na siya ng 44 na anak!
12-anyos pa lamang, ibinenta si Mariam ng kanyang ama sa 45-anyos na lalaki kapalit ng pera, baka, at kambing.
Bagamat mayroon nang apat na iba pang asawa ang lalaki, pinakasalan pa rin nito ang batang si Mariam. At makalipas ng isang taon, sa edad na 13, isinilang niya ang kanyang kauna-unahang kambal.
Sinundan pa ito ng ilan pang set ng twins, triplets, at quadruplets, hanggang sa umabot sa 44 ang kanyang anak. Sa kasamaang palad, anim dito ang sumakabilang buhay na.
Mag-isang itinataguyod ni Mariam ang kanyang natitirang 38 na anak dahil iniwan na sila ng kanyang asawa, tinangay pa nito ang pera ng pamilya.
Sa kabila nito, sinisikap ni Mariam na mapakain ng tatlong beses sa isang araw ang mga anak at mabigyan sila ng maayos na buhay.
Ngunit bakit nga ba marami siya manganak?
Mayroong kondisyon na hyperovulation si Mariam, kung saan naglalabas ng higit sa isang egg cell ang kanyang ovary na mas nagpapataas sa tsansang magkaroon ng kambal.
Mahirap magpalaki ng anak, ngunit masaya at proud rito si Mariam. Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa kanyang kapwa ina, sinabi ng tinaguriang Mama Uganda na dapat alagaan nang mabuti ang mga anak dahil kailanman, hindi sila kamalian.