Nahihirapan pa ring tanggapin ng ina ng isa sa mga sundalong nasawi sa Marawi City ang pagkamatay ng kanyang anak.
Ayon kay Ginang Anna Canapi, ina ni Private First-Class Sherwin Canapi, palaging ipinapaalala noon sa kanya ng anak ang kahalagahan ng kanyang trabaho bilang isang sundalo.
Hindi inalintana ni Aling Anna ang lakas ng ulan at doon nagpalipas ng magdamag sa puntod ni Sherwin sa Libingan ng mga Bayani.
Masakit pa po kasi ta-talo na lamang ang anak ko, nabawasan na kaya bale dalawa na lang.
Sabi ko nga po, dahil sa sobrang tapat siya sa tungkulin niya hindi ko naman po siya mapigilan dahil ‘yun po talaga ‘yung sabi niya.
Gusto kong ipa-transfer siya tapos sabi niya sa’kin, “Mama, kahit saan ako naroroon”, sabi niyang ganoon, “May sinumpaan kaming tungkulin kailangan panindigan ko”.
Ayon kay Ginang Anna, bagamat masakit ang pagkamatay ng kanyang anak, patuloy niyang ipagmamalaki na nasawi ito para sa bayan.
Nakakataba aniya ng puso ang pagbuhos ng pasasalamat at pagkilala kay Sherwin hindi lamang mula sa mga ordinaryong tao, mga kapwa sundalo, kundi lalo na mula sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Siyempre, proud na proud po talaga ako kasi hindi lang po si Presidente ang nagsabi, lahat ho ng nakausap ko, mga komander na pumunta sa amin, Lieutenant, Colonel, lahat po ganun ang sinabi.
Tapos ang masakit po sa akin, pinanghihinayangan po ang anak ko dahil ‘yung iba pong humawak sa kanya, marami daw po siyang skills, pwede kahit saan dalahin, pwede sa office.
Marami po siyang skills talaga kasi mabait po talaga ‘yung anak ko kaya napaka-tapat po sa tungkulin niya po.