Patuloy na umaapela ng tulong ang ina ni Joselito Zapanta, ang Pilipinong nasa death row sa Saudi Arabia dahil sa kasong pagpatay sa isang Sudanese National noong 2009.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Ginang Mona Zapanta, kulang pa ng P25 milyon ang blood money na kakailanganin sa pagsalba sa buhay ng kanyang anak.
Aniya, hindi na niya alam kung kanino siya lalapit para makahingi ng tulong lalo pa’t sila ay mahirap.
“Ano talaga ang magagawa namin? Mahirap lang kami, akong Nanay nya hindi ko alam kung saan na ako lalapit para matulungan ko ang anak ko.”
Umaasa aniya siya na mayroong magandang loob na tutulong sa kanyang anak.
“Nandito po ako, kumakatok sa mga puso nyo, sana maawa kayo sa anak ko. Nagmamaka awa po ako na sana sagipin nyo ang anak ko.”
Kasabay nito, nanawagan din ng tulong si Ginang Zapanta kina Pangulong Noynoy Aquino at Vice President Jejomar Binay.
“Sana po mahal na pangulo, matulugan nyo po muli ang anak ko, walang ibang makakatulong kundi kayong mga nasa katungkulan at kay Vice President Jejomar Binay sana maawa kayo, tumulong naman po kayo, pati kay Sen. Cynthia, Rep. Manny Pacquiao at Sen. Bongbong Marcos, maawa naman po kayo,” panawaagan ni Ginang Zapanta.
By: Meann Tanbio