Nagpasaklolo sa Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ng 14 anyos na si Reynaldo de Guzman alyas ‘Kulot’ na natagpuang patay at napag-alamang may tatlumpung (30) saksak sa Gapan, Nueva Ecija.
Sinabi ni Lina Gabriel na nais nilang makamit ang hustisya sa pagpaslang sa kaniyang anak na si Kulot na wala naman aniyang ginagawang masama.
Bitay ang hinihingi ng ina ni Kulot bilang parusa sa sinapit ng binatilyo.
Kasabay nito, ipinabatid ni Ginang Gabriel na lumapit sa kaniya ang kaibigan ng anak niya na tinukoy lamang niya bilang ‘Mj’ at nagsabing plinano nina Carl at Kulot na mang-holdap noong gabing iyon sa Taytay area.
Umurong aniya ang tatlo pang kasama sana nina Carl at Kulot sa panghoholdap.
Si Kulot ay sinasabing nakitang kasama ni Carl Angelo Arnaiz bago ito napatay ng mga pulis sa Caloocan City dahil sa umano’y panghoholdap sa isang taxi driver.