Hindi natuloy ang nakatakda sanang inagurasyon ng LRT-2 East Extension ngayong araw, Lunes.
Ito’y matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dayuhang eksperto na na mag-iinspeksyon ng overhead catenary system ng linya.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan, maaantala ang dry run hanggang sa magnegatibo sa COVID-19 ang eksperto.
Ang test run sana na ito ang tutukoy kung walang anumang magiging problema at maaari nang simulan ang operasyon na nakatakda dapat bukas, ika-27 ng Abril.
Ang LRT-2 extension na ito ay mula sa Marikina City hanggang Antipolo City ngunit dahil sa naudlot na test run, maaantala rin ang pagsisimula ng naturang operasyon.