Maikli, simple at matipid sa gastos ang gaganaping inagurasyon ni Vice President-elect Leni Robredo sa Quezon City Reception House ngayong Hunyo 30.
Alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng umaga lang ang inagurasyon ng bagong Bise-Presidente ng bansa at pangmeryendang patok sa panlasa ng mga Pinoy ang pagsasaluhan ng mga bisita.
Ayon kay Atty. Georgina Hernandez, tagapagsalita ni VP Robredo, pinagpipilian nila kung alin sa pangmeryendang sotanghon, maja blanca, pichi-pichi, pandesal at buchi na may chocnut ang ihahain sa okasyon.
Imbitado rin sa inagurasyon ng Bise-Presidente ang natalong presidential candidate ng Liberal Party (LP) at dating Interior Secretary Mar Roxas.
Transition meeting
Nakipagpulong na si outgoing Vice President Jejomar Binay sa hahalili sa kanyang si incoming Vice President Leni Robredo.
Sa kasagsagan ng pagpupulong, binalaan ni Binay si Robredo hinggil sa mga intriga na posibleng kaharapin nito sa susunod na anim na taon.
Magugunitang binato ng kaliwa’t kanang intriga at kontrobersya si Binay sa huling dalawang taon ng kanyang termino na may kinalaman sa katiwalian.
Nangyari ang pulong kasabay ng ika-29 na anibersaryo ng kasal ng Vice President-elect sa kaniyang kabiyak na si yumaong Dilg Secretary Jesse Robredo.
Intact fund
Nagpasalamat naman ni Vice President-elect Leni Robredo kay outgoing Vice President Jejomar Binay.
Sa kanlang pulong kahapon sa tahanan ng mga Robredo sa Quezon City, sinabi ng papasok na Bise Presidente na nagawang panatilihin ni Binay ang natitirang pondo ng Office of the Vice President.
Pinapurihan pa ni Robredo si Binay sa pagiging masipag nito sa pag-iikot sa bansa kaya naman nag-aalangan siya kung matatapatan niya ito.
Inamin din ni Robredo na sadya siyang hindi bumisita kay Binay sa Coconut Palace dahil ayaw niyang matukso dahil sa ganda ng tanawin sa lugar.
By Mariboy Ysibido | Jaymark Dagala