Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na hindi pa nakararating sa Pilipinas ang mga inangkat na tone-toneladang sibuyas mula sa ibang bansa.
Kasunod ito ng kumakalat na malalaking sibuyas sa ilang pamilihan partikular na sa metro manila na posible umanong inimport ng mga smuggler.
Ayon kay DA Assistant Secretary, Deputy Spokesperson Rex Estoperez, posible umanong ipinuslit lamang ang naturang mga sibuyas na ngayon ay ibinebenta ng mga vegetable vendor sa merkado kabilang na ang mga public market sa Pasay, Marikina, at Pasig City.
Iginiit ni Estoperez na hindi pa nakararating sa bansa ang inangkat ng ahensya na aabot sa 5,775 metriko toneladang sibuyas batay narin sa ibinigay na pahayag ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Aminado ang ahensya na maging ang online platforms, ay ginagamit narin ng mga seller para ibenta ang mga smuggled na sibuyas.
Sinabi pa ng opisyal na nakikipag ugnayan na ngayon ang DA upang mahuli ang iligal na nagbebenta ng agricultural products.