Nananatili pa rin sa inaprubahang panukalang P3.7 trillion 2019 national budget ng bicameral conference committee ang mga isiningit na pondo.
Ito ang iginiit ni Senador Panfilo Lacson na una nang nagsiwalat ng mga umano’y anomalya sa pambansang budget.
Ayon kay Lacson, maituturing na reciprocal consensus ang ginawa ng Kamara at Senado dahil pareho aniyang may insertions ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
“I-dedescribe ko na lang as reciprocal consensus ibig sabihan parang kamutan na lang ng likod…parehong meron, so paano na magtatanggalan. Noong nag small group bicam, alam ko na ganoon mangyayari, kasi noong una iniisip ni Andaya na hindi eh, ang small group bicam natin we not go lower by this number. Ibig sabihin silang lahat. So sabi ko, mainam din yun lalo na tinugunan niya yung panawagan na gawin natin transparent nandiyan ang media, maski sino naandiyan at nakikinig sa ating pinag-uusapan.” Pahayag ni Lacson.
Samantala, umaasa naman si Lacson na bubusisiing mabuti ng malakanyang ang isusumite panukalang pambansang budget ng kongreso para mai-line item veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga makikitang pork bago ito mapirmahan.
Sinabi pa ni Lacson, naktitiyak siyang muling patutunayan ng pangulo ang political will nito lalo na sa mga malalaking usapin sa bansa.
“Mabuti na rin na nagkaroon ng usapin dito dahil naging conscious ang Malakanyang na posible nga maraming pork na nakaloob sa 2019 budget.” Ani Lacson.