Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inarestong pari na si Fr. Decoroso “Cocoy” Olmilla, matapos na ireklamo ng pambubugbog ng isang 15-year-old na batang babae sa Mandaue City, Cebu.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi nalalayo ang ugali ni Olmilla sa mga Catholic priests noong Spanish Colonial Era na pawang mga mapang-abuso.
Sa galit ng pangulo, hindi nito naiwasan na murahin ang pari dahil sa ginawang pananakit nito sa menor de edad na anak pa mismo ng kanyang tagaluto sa Nativity of Mary Parish Church.
Samantala, muli namang binanggit ng pangulo ang kanyang naranasang pangmomolestiya sa kamay ng mga pari habang nag-aaral noon sa Ateneo De Davao University.
Pahayag ng punong ehekutibo, hindi nalalayo ang kanyang karanasan sa ginawang pang-aabuso ng isang American priest sa halos 50 kabataan, na ang iba sa mga ito ay mga sakristan pa ng simbahan sa Biliran.
Sa ngayon, nasa kostudiya na ng mga otoridad ang dalawang pari na pawang nahaharap sa mga kaso ng child abuse habang sumasailalim naman sa counseling at stress debriefing ang kanilang mga naging biktima.