Nanindigan ang pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na wala silang kinalaman sa ginawang pag-aresto sa itiniwalag na ministro na si Lowell Menorca kaninang umaga.
Sa ginawang pulong balitaan sa Templo Central ng INC, sinabi ng tagapagsalita nitong si Bro. Edwil Zabala na naaayon lamang sa batas ang inilabas na arrest warrant laban kay Menorca na nahaharap sa patumpatong na kasong libelo.
Binigyang diin pa ni Zabala na wala na silang kapangyarihan kay Menorca dahil bukod sa nasa korte na ang mga kaso, tiwalag na rin ito sa kapatiran.
Sa huli, pinayuhan ni Zabala si Menorca na harapin ang kanyang kaso na nakahain sa Kapatagan, Lanao del Norte at huwag nang idamay pa ang Iglesia.
Arrested
Una rito ay inarestado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang itiniwalag na ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca II bago ang pagdinig sa petisyon nito sa Court of Appeals (CA), kaninang umaga.
Ayon kay MPD Station 10 Chief, Supt. Ed Leonardo, ang habulan ay mula sa Taft Avenue hanggang sa Nakpil Street sa Malate kung saan doon nila naharang ang sasakyan ni Menorca sa kanto ng Quirino at Roxas Boulevard.
Sinabi ni Leonardo na isinilbi nila kay Menorca ang warrant of arrest laban dito bunsod ng kinakaharap nitong kasong libelo sa Marawi City.
Inamin naman ni Leonardo na miyemro rin siya ng INC pero hindi umano mga kapatid sa kanilang relihiyon ang mga dumakip kay Menorca.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez | Aya Yupangco (Patrol 5)