Opisyal nang inendorso ng Iglesia ni Cristo (INC) sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senador Bongbong Marcos para sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo sa May 9 elections.
Ayon sa ulat ng Eagle News, ang opisyal na online news site ng INC, ang mga pangalan nina Duterte at Marcos ang nakalagay sa sample ballots na ipinamahagi ng Iglesia sa kanilang mga kapatid.
Maliban dito, inendorso naman ng INC sa pagka-sendor sina TESDA Chief joel Villanueva, dating Senador Dick Gordon, Senate President Franklin Drilon, dating Akbayan Representative Risa Hontiveros, dating MMDA Chairman Francis Tolentino, Leyte Representative Martin Romualdez.
Suportado din ng INC ang kandidatura sa senado nina Senador Ralph Recto, Sarangani Representative Manny Pacquiao, Senador Tito Sotto, Valenzuela City Representative Sherwin Gatchalian, dating Senador Panfilo Lacson at dating Senador Migz Zubiri.
Una rito, makailang ulit ang naging pagtanggi ng INC sa pag-endorso sa naturang mga kandidato dahil sa hindi pa anila ito naipapabatid sa lahat ng mga kapatid ng Iglesia.
Ang Iglesia ni Cristo ay dalawang milyong miyembro na kilala sa bloc voting tuwing eleksyon.
Duterte Camp
Nagpasalamat naman ang kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pamunuan at buong kapatiran ng Iglesia ni Cristo.
Ito’y makaraang iendorso ng INC ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng bansa.
Ayon kay Peter Tiu Laviña, tagapagsalita ni Duterte, patunay lamang ito na hangad din ng liderato ng INC ang tunay na pagbabago sa bansa.
Binigyang diin pa ni Laviña na magiging malaki ang epekto ng pag-eendorso na ito ng INC upang lalo pang mapalakas ang boto para sa alkalde.
By Ralph Obina | Jaymark Dagala